Kate Dayawan | iNews | January 17, 2022

Photo Courtesy: 6th Infantry Division
Cotabato City, Philippines- Patay ang apat katao kabilang na ang mastermind sa pambobomba ng bus sa Aleosan, North Cotabato matapos makasagupa ng Joint Task Force Central sa isang manhunt operation sa Carmen, North Cotabato ngayong araw ng Sabado, January 15. Kinilala ni MGen. Juvymax Uy, Commander ng JTFC at 6th Infantry Division, ang mastermind na si Norodin Hassan alyas Andot, kilala bilang Emir for Military Affairs ng Dawlah Islamiya Hassan Group. January 11, isang improvised explosive device ang sumabog sa loob ng isang unit ng Mindanao Star Bus Inc. na nagresulta sa pagkasawi ng limang taong gulang na batang lalaki at pagkasugat naman ng anim na iba pa. Matapos ang insidente, agad na nagsagawa ng Sensitive Site Exploitation at Post Blast Investigation ang Philippine Army at Police Explosive and Ordnance Disposal Teams upang matukoy ang mga may gawa sa karumal-dumal na krimen. Sa tulong ng mga intelligence report at mga impormasyon mula sa mga sibilyan, natulungan ang mga otoridad na matunton ang kinaroroonan ng mga salarin at agad na nagsagawa ng manhunt operation. Kinilala naman ni Col. Jovencio Gonzales, Commander ng 602nd Brigade ang dalawa sa tatlong kasama ni Norodin Hassan na sina Abdonillah Hassan alyas Don at Abdonhack Hassan alyas Abdon. Patuloy namang inaalam ng otoridad ang pagkakakilanlan ng isa pang napatay na suspek. Nakumpiska mula sa pinangyarihan ng bakbakan ang isang 7.62mm M14 Rifle, isang Cal .30 M1 Garand Rifle, ilang rounds ng mga bala at magazine ng iba't ibang kalibre ng baril, mga cellphone, solar panels, ICOM radios at iba pang subversive documents na may high intelligence values. Simula sa huling quarter ng taong 2021, naging sunod-sunod na ang operasyon ng militar laban sa teroristang grupo na Dawlah Islamiya. Unang napatay sa operasyon noong October 29 sa Talayan, Maguindanao ang Emir ng Dawlah Islamiya - Philippines na si Salahuddin Hassan. December 1 naman nang mapatay rin sa operasyon sa Datu Salibo, Maguindanao ang Sub-Leader ng DI na si alyas Adsam at kinabukasan, December 2, napatay rin si Asim Karinda alyas Abu Azim ang newly appointed Emir ng DI sa Mamasapano, Maguindanao. Ayon kay MGen. Uy, patuloy lamang ang ginagawang operasyon ang Joint Task Force Central at hindi umano nila hahayaan na patuloy na maghahasik ng kaguluhan sa komunidad ang nasabing teroristang grupo. Samantala, sinabi naman ni Police Colonel Bernard Tayong na walang katotohanan ang kumakalat na impormasyon na ang Al Khobar ang nasa likod ng pagpapasabog sa isang bus ng Mindanao Star sa Aleosan, North Cotabato.