top of page

SKPPO, PINAIIGTING ANG IMBESTIGASYON SA PAMAMASLANG SA DISTRICT SUPERVISOR NG PANDAG DISTRICT

Kate Dayawan | iNews | January 19, 2022


Courtesy: Sultan Kudarat Provincial Police Office



Cotabato City, Philippines - Patuloy na nagsasagawa ngayon ng malalimang imbestigasyon ang Sultan Kudarat Provincial Police Office hingil sa kaso ng pamamaril sa District Supervisor ng Department of Education Pandag District na naganap sa Tacurong City noong Lunes, January 17. Sa report mula sa SKPPO, isang tawag mula sa isang concerned citizen ang natanggap ng Tacurong City Police Station kung saan inirereport nito ang isang kaso ng pamamaril na naganap sa Purok Katingilan, Barangay San Pablo, Tacurong City. Ang mga biktima ay kinilalang sina Javier Kumandi Sr., 54 anyos, District Supervisor ng Pandag District School at ang maybahay nito na 52 anyos na si Jeannie Kumandi. Sa inisyal na imbestigasyon, papauwi na sana ang mag-asawa sakay ng isang Toyota Innova Wagon na may plakang AGA 5857. Ilang metro na lang ang layo mula sa gate ng kanilang bahay nang pagbabarilin ang mga biktima ng hindi pa nakikilalang suspek sakay ng isang motorsiklo. Agad na dinala sa pagamutan ang mag-asawang biktima ngunit idineklara nang dead-on-arrival ng attending physician si Javier Kumandi Sr. Natagpuan ng SOCO sa crime scene ang 14 na fired cartridge cases ng Caliber 5.56 na agad namang dinala sa SK Provincial Crime Laboratory. Samantala, ipinaabot naman ng SKPPO sa pangunguna ni PCol. Tom Tuzon ang kanilang taos pusong pakikiramay sa pamilya Kumandi at dalangin nito ang mabilis na paggaling ni Mrs. Kumandi.

8 views
bottom of page