Marjie Kate Dayawan | iNEWSPHILIPPINES

Nais ngayon ni South Cotabato Governor Reynaldo Jr. na mas palawigin pa ang libreng serbisyong inihahandog ng South Cotabato Provincial Hospital Dialysis Center matapos na dumagsa sa nasabing pagamutan ang mga dialysis patients na kinakailangan ng treatment.
Sa 10 dialysis machines na meron kasi ngayon ang ospital, walo lamang dito ang kasalukuyang ginagamit habang ang dalawa ay naka-standby sakaling magkaroon ng malfunctions.
Ang Hemodialysis machine na meron ngayon ang ospital ay nagkakahalaga ng 10 milyong piso kung saan ay kumpleto na ito sa water system facilities at Set-up Accessories kabilang na ang sampung unit ng Dialysis machine, isang Central Treatment, Distribution, isang Reprocessing machine , isang Sodium Bicarbonate Mixer, isang Dialyzer Rack, sampung Dialysis Chair, sampung Automatic Voltage Regulator at isang Digital Wheel Chair Weighing Scale.
Sa kasalukuyan ay mayroong 260 aplikante para sa nasabing pasilidad ngunit walo lamang sa mga ito ang kayang ma-accommodate ngayong buwan at inaasahan na sa pagtatapos ng taon ay nasa 56 na dialysis patients ang makaka-avail ng nasabing serbisyo.
Dahil dito, plano ni Governor Tamayos na magdagdag pa ng 10 dialysis machines sa SCPH at tigsa-sampu naman sa Polomolok District Hospital at Norala District Hospital.
Bagamat nasa ilalim ng SCPH ang operasyon ng dialysis center ngunit ang prayoratisasyon ng mga pasyente ay magmumula sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) matapos ang masusing ebalwasyon.
Inihayag naman ni Tamayo na tanging mga pasyente lamang mula sa South Cotabato ang tatanggapin sa Dialysis Center na ito.
Aniya, may mga limitasyon lamang ito sa kanilang mga serbisyo dahil hindi umano sapat ang budget.
Samantala, kung hindi naman umano makaka-avail ng libreng serbisyo mula sa dialysis center ang mga pasyente, mayroon naman umanong iniaalok ang Provincial Government ng iba pang tulong tulad ng financial assistance pampa-dialysis sa ibang pasilidad, hospital assistance, laboratories, medical assistance at burial assistance.
Sinisiguro ni Governor Tamayo na lahat ng kanyang nasasakupan na nangangailangan ng tulong ay maaaring maka-avail sa mga libreng serbisyo ng probinsya.