top of page

SUSPEK SA ISANG INSIDENTE NG PAMAMARIL SA SULU, ARESTADO!

Kate Dayawan | iNews | January 7, 2022

Courtesy: PRO-BAR


Cotabato City, Philippines - Himas-rehas na ngayon ang suspek sa naganap na pamamaril sa Sitio Boutan, Barangay Kajatian, Indanan, Sulu noong Miyerkules, January 5.


Kinilala ang suspek na si Leonard, 31 anyos, may asawa at negosyante na nakatira sa Kasalamatan Village, Jolo, Sulu.


Sa report mula sa Police Regional Office BAR, nahuli ng mga operatiba ng Sulu Police Provincial Office ang suspek matapos na agarang i-report ng isang concerned citizen sa Indanan Municipal Police Station na nasa bahay lamang ang ito.


Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang Sulu PPO.



Biktima ni Leonard ang 26 anyos na si Mahather Jalaidi Amil na isa ring negosyante na nagtamo ng dalawang tama ng bala sa kaliwang bahagi ng tiyan nito.


Agad naman itong isinugod sa Sulu IPHO upang agad na magamot.


Batay sa naging imbestigasyon ng Indanan MPS, posibleng naging mitsa ng pamamaril ng suspek ang tatlong milyong pisong utang umano ng biktima.


Narekober sa crime scene ang isang emplty shell ng Caliber .45 at isang deformed slug ng pinaniniwalaang caliber .45 pistol.


Sa ngayon ay inihahanda na ang mga karampatang kaso na ipapataw laban sa suspek.


Samantala, muli namang umapila ang pamunuan ng Sulu PPO sa publiko na patuloy lamang na makipagtulungan at suportahan ang PNP sa pamamagitan ng pagreport ng mga kahinahinala o iligal na aktibidad upang mapanatili ang ligtas at mapayapang rehiyon ng Bangsamoro.



24 views
bottom of page