iNEWS | December 13, 2021

Photo courtesy: Ping Lacson
Cotabato City, Philippines - Bubuwagin ng tambalang Lacson-Sotto ang smuggling ng agricultural products sa bansa.
Ito ang binitawan ng chairman at standard-bearer ng Partido Reporma, SENATOR Ping Lacson at running mate na SI SENATOR Tito Sotto sa kabila ng natitirang limang buwan bilang mga senador bago ang halalan sa 2022.
Nais umano ng tambalang Lacson-Sotto na maibsan ang paghihirap ng mga lokal na magsasaka dahil sa smuggling, na lalo pang nagpapababa sa presyo ng kanilang mga produktong pang-agrikultura.
Sa kanilang pagbisita sa iba’t ibang probinsya sa Central Visayas, nangako sina Lacson at Sotto na patuloy na pangungunahan ang imbestigasyon ng Senado sa ilegal na pagbaha ng mga karne at gulay mula sa ibang bansa.
Nauna nang inilantad ni Lacson ang malawakang pagpupuslit ng mga produktong baboy na nagpapahina sa lokal na industriya, na nauuhaw na dahil sa mga lockdown dahil sa pandemya ng COVID-19.
Sa kanilang pakikipag-usap sa mga negosyante at lokal na opisyal sa Dumaguete, sinuportahan ni Sotto si Lacson at isiniwalat ang mga reklamo na kanilang natanggap mula sa mga lokal na nagtatanim ng gulay.
Dagdag pa NG SENADOR, sa kabila ng bilyon-bilyong sangkot sa smuggling, ang mga awtoridad ay nagsasampa lamang ng mga kaso ng paglabag sa Food Security Act, imbis na economic sabotage. At ang multa sa Food Security Act ay kakarampot na P50,000 hanggang P100,000 lang laban sa mga mahuhuli.
Pangungunahan nina Lacson at Sotto sa Martes ang pagdinig ng Senate Committee of the Whole sa isyu ng agricultural smuggling.
Nauna nang sinabi ni Lacson na determinado siyang alisin ang sistema ng smuggling sa bansa dahil hangga't kumikita ang mga tiwaling opisyal sa ganitong gawain, patuloy na magdurusa ang lahat ng Pilipino, hindi lamang ‘yung mga nasa sa sektor ng agrikultura.
BUKAS, ARAW NG Martes, nakatakdang magsagawa ng hearing ang Committee of the Whole para talakayin ang isyu.