Kate Dayawan | iNEWS Phils | March 17, 2022

Photo courtesy : PNP PRO BAR
Cotabato City, Philippines - Napasakamay ng otoridad ang Top 1 Most Wanted Person ng Ampatuan Municipal Police Station matapos na maaresto sa inilunsad na law enforcement operation noong Martes, March 15, 2022 sa Sitio Panang, Barangay Salbu, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao.
Isisilbi na sana ng pinagsanib na pwersa ng Maguindanao Police Provincial Office, Sultan Kudarat Police Provincial Office, 1402nd RMFC, at RIU15 ang warrant of arrest laban sa suspek na kinilalang si Suharto nang manlaban ito at paputukan ng baril ang mga operatiba.
Gumanti naman ng putok ang mga otoridad na nagresulta sa pagkakasugat ng suspek matapos na matamaan sa kaliwang binti nito na agad ring isinugod sa Integrated Provincial Health Office – Maguindanao Provincial Hospital.
Ayon kay PCol. Jibin Bongcayao, Provincial Director ng MAGPPO, bukod sa pagiging Top 1 Most Wanted Person nito sa Ampatuan MPS, Top 83 Most Wanted din ang suspek sa Isulan MPS na may warrant of arrest dahil sa kasong Murder na inisyu ng Acting Presiding Judge ng 12th Judicial Region, Branch 19, Isulan, Sultan Kudarat.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang Caliber UZI 9mm at isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Sa ngayon ay inihahanda na ng otoridad ang mga kasong ipapataw laban sa suspek na sa ngayon ay pagtuloy na nagpapagaling sa ospital.
Pinuri naman ni PBGen. Arthur Cabalona, Regional Director ng Police Regional Office BAR, ang walang humpay na pagsasagawa ng operasyon ng mga operatiba mahuli lamang ang mga criminal sa pamamagitan ng pinaigting na manhunt operation sa Bangsamoro region.
End.