TOP 9 MOST WANTED PERSON NG COTABATO CITY POLICE OFFICE, ARESTADO!

Kate Dayawan | iNEWS | January 28, 2022

Courtesy: Police Regional Office BAR


COTABATO CITY, Philippines - Sa tulong ng pinagsanib na pwersa ng Cotabato City Police, Regional Mobile Force Battalion 14, Maguindanao Police Provincial Office at Philippine Marines, napasakamay na rin ang Top 9 Most Wanted Person ng Police Station 3 ng Cotabato City Police Office.


Ito'y matapos na ilunsad noong araw ng Martes, January 25 ang isang operasyon laban sa suspek na si Ala, 52 anyos, may-asawa, isang magsasaka at residente ng Barangay Badak, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.


Si Ala ay may warrant of arrest na inisyu ng Presiding Judge ng Regional Trial Court, 12th Judicial Region Branch 14, Cotabato City dahil sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.


Ito ay may inirerekomendang pyansa na 200,000 pesos.


Sa report mula sa Police Regional Office BAR, isinilbi kay Ala ang kanyang warrant of arrest matapos na makatanggap ng impormasyon ang otoridad na nasa Barangay Badak lamang ang suspek.


Sa ngayon ay nakapiit na sa himpilan ng Police Station 3 ang suspek para sa documentation at proper disposition.


Pinuri naman ni PBGen. Eden Ugale, Regional Director ng PRO BAR, ang operationg troops dahil sa kanilang pagsisikap sa pagpapatupad at pagsisilbi ng warrant of arrest sa mga wanted persons.


Hinihikayat naman nito ang komunidad na patuloy na aktibong makipagtulungan at suportahan ang laban ng PNP laban sa mga lawless element.

53 views