Kate Dayawan | iNEWSPHILIPPINES

Sa kanyang pagbisita sa Visayas kahapon, August 10, unang tumungo si Vice President Sara Duterte sa Limasawa Island, Southern Leyte upang mamahagi ng tinatawag nitong 'pagbaBAGo' o mga bag na naglalaman ng school supplies at dental kits para sa mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 7.
Bukod dito, namahagi rin ang bise presidente ng mga relief goods para sa mga magulang at residente sa lugar.
Kinahapunan ng parehong araw, bumisita naman si Duterte sa Maasin City, Southern Leyte upang makiisa sa pagdiriwang ng ika-22 founding Anniversary ng syudad.
Ayon kay Sara, kapuri-puri umano ang katatagan at tibay ng loob ng mga Leyteños sa pagharap sa anumang problema.
Noong nakaraang taon kasi, isa ang lungsod ng Maasin sa matinding pininsala ng bagyong Odette.
Marami umano sa mga mamamayan dito ang nawalan ng tirahan ngunit sa kabila nito ay patuloy pa rin umano ang pagtutulungan ng mga ito upang makabangon.
Dagdag pa ng bise presidente, espesyal din umano sa kanya ang Maasin City dahil sa nasabing lugar ipinanganak ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Binisita rin ng bise presidente ang Office of the Vice President - Satellite Office sa Tacloban.
Kinuha na rin nito ang oportunidad na pamunuan ang Oath of Office ng mga empleyado ng OVP-Tacloban.
Kasabay na rin nito ay ininspeksyon ni Duterte ang storage room ng tanggapan upang makita ang mga natitirang relief goods supplies.