Amor Sending | iNews | January 6, 2022

Courtesy: DOH
Cotabato City, Philippines - Tiniyak ng Department of Health (DOH) noong Martes,
na walang kakapusan sa supply ng mga gamot gaya ng paracetamol sa Pilipinas sa kabila ng pagkaubos ng stock ng ilang partikular na brand sa mga botika.
Aniya, matapos na makarating sa kanila ang ulat hinggil sa umano’y shortage ay agad nilang kinonsulta ang mga pangunahing botika at lokal na manufacturer at suppliers ukol sa estado ng suplay ng mga gamot. Dito umano tiniyak sa kanila na walang ‘shortage’ na nagaganap.
Ngunit kabaligtaran ito sa inilabas na pahayag ng drug manufacturer na Unilab na sinabi na pansamantalang wala muna silang stock ng iba nilang brands ng gamot sa mga piling botika
Ayon naman sa Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP), walang shortage ng mga gamot sa mga brand na kanilang kine-carry.
Tumaas lang din anila ang demand dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 na sinabayan ng flu season.
Sinabi naman ng DTI na bagamat nakakaranas ng "tight supply"
para sa ilang brand ng gamot, ito ay dahil lamang sa timing ng mga delivery para maglagay muli ng mga stock sa mga drugstore.
Dagdag ng ahensya sa isang pahayag kahapon, JANUARY 5 na asahan ngayong linggo na makakapag-replenish na o madadagdagan na ulit ang supply ng paracetamol at mga katulad na gamot sa mga botika sa Metro Manila.
Tiniyak din ng Drugstores Association of the Philippines na ginagawan na ng paraan para magka-supply ng gamot sa mga botika.
Nakikipag-ugnayan naman ang Department of Health sa mga botika at parmasya upang limitahan ang dami ng pagbili upang maiwasan ang panic buying.
Nagpaalala naman ang mga opisyal sa publiko na marami ang mapagpipiliang mga brand ng gamot at huwag mag-panic buy.